DAGUPAN CITY — Nahuli ng pinagsanib na puwersa ng mga otoridad ang tatlong bigtime supplier ng shabu hindi lamag dito sa lalawigan ng Pangasinan kundi maging sa Cordillera region, sa bayan ng Calasiao.
Ito ang kinumpirma sa Bombo Radyo Dagupan sa exclusive interview kay Police Lt. Bonard Paragas, Investigation Officer, Calasiao Police Station.
Kinilala ang mga suspek na sina Jose Darling Parayno, 37 anyos na residente ng Brgy. Nancayasan, Urdaneta city; Alvin Ngaosi, 28 anyos, residente ng Itogon, Benguet at Chester Bryan Cervantes, 30 anyos, residente ng Baguio city.
Kasunod nito ay inamin ng opisyal na matagal nilang minanmanan ang operasyon ng tatlo lalo at malawak ang kanilang pinagbebentahan ng iligal na droga.
Bukod sa bulto ng shabu na nagkakahalaga ng higit P100,000, nakuha din sa pangangalaga ng mga ito ang isang cal. 38 at bala nito at iba pang drug paraphernalia.
Ayon pa kay Paragas, napag-alaman nilang sa Maynila pa kinukuha ng mga suspek ang suplay ng shabu na kanilang ibinibenta.
Kasunod nito ay nagbabala naman si Paragas, sa mga nasasangkot sa iligal na droga na tumigil na sa masamang gawain at hinikayat din ang publiko na makiisa upang masugpo ang problema sa iligal na droga sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanila kung may mga napapansin na kakaibang nangyayari sa kanilang kapaligiran. (With reports from Bombo Adrianne Suarez)