Palaisipan pa sa ngayon sa awtoridad ang dahilan ng pagkamatay ng natagpuang bangkay ng isang 59 anyos na magsasakang may laslas sa leeg sa loob mismo ng kaniyang bahay sa Sitio Cabatuan ng Brgy. Santo Domingo sa bayan ng San Manuel, Pangasinan.
Nakilala ang bangkay na si Severino Aquinde, 59 anyos na residente ng Sitio Cabatuan ng Brgy. Santo Domingo sa naturang bayan.
Ayon kay PSSg Rocky Pisco, chief investigator ng San Manuel MPS, napansin ng anak ng biktima na si Arsenio Contaoi na ilang araw ng hindi nagpupunta ang kaniyang ama na madalas na naglalagi umano tuwing gabi sa kaniyang bahay.
Kung kayat pinuntahan ng anak kasama ang kaniyang 17 anyos na pinsan ang bahay ng kaniyang ama at doon nadiskubre ang nakahandusay na walang ng buhay na katawan ng biktima kung saan nakita mula sa biktima ang malalim na laceration o laslas sa leeg.
Narekober mula sa tabi ng bangkay ang isang kutsilyo. Ayon kay Pisco, dahil dito ay tinitignan ang dalawang anggulo na dahilan ng insidente partikular na ang homicide at suicide.
Sa pahayag naman ng anak at kapitbahay ng biktima ay wala itong kaaway.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon kung saan humingi na rin ang kapulisan ng tulong sa SOCO para sa pagproseso sa crime scene at nagrequest na ang PNP para isailalim sa autopsy ang bangkay.