DAGUPAN, CITY— Matagumpay na naaresto ng mga kapulisan ng Pangasinan PPO at San Juan Police Station ang tatlo (3) sa mga suspect sa pag ambush kay dating Pangasinan 5th District Representative at Governor Amado Espino Jr., sa San Juan, Batangas.
Ayon kay P/Maj. Arturo Melchor Jr. Public Information Officer ng Pangasinan PPO, matagal na umanong kuta ng mga suspek ang lugar kung saan sila nahuli.
Aniya, maliban sa pagiging mga suspek sa pananambang kay Espino, kabilang din ang mga ito sa mga high value individuals at regional top criminals.
Dagdag pa ni Melchor, ang mga nahuling mga indibidwal ay miyembro rin umano ng Raul Sison Criminal Group.
Iilan na lamang ang naiwang mga suspek sa naturang krimen at umaasa naman ang kanilang hanay na mapapatawan ng hukuman ng “guilty verdict” ang mga suspek.
Si Espino ay kabilang PMA Class 1972. Nagretiro sa serbisyo sa PNP bilang Regional Director ng PRO 1 bago naging Congressman at Gobernardor ng lalawigan ng Pangasinan.
Matatandaan na noong September 11, 2019 sakay si Espino ng Toyota Land Cruiser SUV kasama ang kanyang driver na si Agapito Cuison at Jayson Malsi habang ang kanyang back-up security ay sakay naman ng black Toyota Innova na minamaneho ni Anthony Columbino at kasama sina Police Staff Sgt Richard Esguerra at Kervin Marbori at patungo sanang Brgy. Ilang, nang sila ay pagbabarilin ng mga suspek na armado ng mga mahahabang armas.
Matapos ang pamamaril ay agad ding tumakas ang mga ito sa direksiyong Malasiqui, Pangasinan.
Agad na nasawi ang bodyguard na si Esguerra habang si Cuison, ang driver na nakapagtakbo sa dating Kongresista sa pagamutan ay binawian din ng buhay.