Nakakapanlumo ang sinapit ng isang 88-anyos na lola matapos itong masunog sa loob mismo ng kaniyang kwarto sa tinitirahang bahay sa Brgy. Baloling sa bayan ng Mapandan.

Ayon kay P/Cpt. Jedd Harry Garcia, hepe ng Mapandan PNP, base sa kanilang isinagawang imbestigasyon kasama ang BFP Mapandan ay nadiskubre na bago mangyari ang insidente, ang biktima na nakilalang si Rosita Perez ay naninigarilyo sa loob ng kaniyang kwarto habang ito ay nakahiga at hindi umano nito namalayan na napunta ang upos ng sigarilyo sa kaniyang unan at dito na nagsimula ang sunog hanggang sa tuluyan na ring nilamon ng apoy pati ang kaniyang kama kung saan ito nakahiga .

Voice of P/Cpt. Jedd Harry Garcia

Hindi rin umano napansin agad ito ng kaniyang mga kasama sa bahay dahil nakahiwalay ang kwarto ng biktima sa mismong bahay na kaniyang tinutuluyan at isang pintuan lamang ang pwedeng ma access at kinakailangan pa nilang lumabas ng bahay para makapasok mismo sa kwarto ng biktima.

--Ads--

Posible rin umano na nagawa pang makahingi ng tulong ng biktima ngunit marahil ay hindi na ito narinig dahil sa mahina na rin ang katawan nito dahil sa kaniyang pagiging bedridden.

Dagdag pa ni Garcia, wala namang nadamay na iba pang kabahayan sa naturang sunog dahil ng madiskubre at makita na ito ng mga kaanak ng biktima ay agad din silang naglabas ng hose at tubig upang mapigilan at maiwasan na ang pagkalat ng apoy.

Ngunit sa kasawiang palad naman nito ay hindi na rin nagawang maisugod pa ang biktima sa pagamutan dahil sa natamo nitong sunog sa kaniyang katawan at binawian na rin agad ng buhay nang maapula ang sunog. // with reports of Bombo Marianne Esmeralda