DAGUPAN, CITY— Handa ang Dagupan City PNP na ibigay ang karampatang tulong sa pagsasampa ng kaso ng pamilya ng nasawing babae sa malagim na vehicular accident na nangyari dito sa siyudad ng Dagupan na ngayon ay usap-usapan at viral sa Social Media.
Ayon kay Police Lt. Nario Cahigas, Chief ng Investigation and Detective Management Section ng Dagupan City PNP, inaantabayanan nila kung magtutungo sa kanilang himpilan at hihingi ng tulong sa pagsasampa ng kaso ang pamilya ni Carla Fernando, ang bente tres anyos na babaeng sakay sa motor na minamaneho ni George Javier nang masangkot sila sa aksidente sa may bahagi ng Perez Blvd. at Burgos Street dito sa siyudad ng Dagupan.
Batay sa detalyeng isinalaysay ng opisyal ng Dagupan PNP, tinatahak ng motor na minamaneho ni Javier ang pasilangang direksyon ng Perez Blvd. nang mabangga ito ng isang Hyundai Starex na sasakyan na minamaneho naman ng isang Sonny Bergante na mula pa sa Quirino Province.
Sa mga kuhang video na kumalat na rin sa Social Media, makikitang sa lakas ng impact ay tumilapon ang motorsiklo at mga sakay nito.
Batay naman sa update mula kay Cahigas, nasa maayos nang lagay ang driver ng motorsiklo, habang sinawimpalad naman na namatay si Fernando.
Sa ngayon, inaantabayanan ng PNP Dagupan ang susunod na hakbang ng pamilya ng biktima at kung sakali mang magkaroon ng pagsasampa ng kaso ay sa korte na lamang lalabas ang desisyon sa kung sino ang may pananagutan sa insidente.
Kasabay naman nito, nagpaalala ang Dagupan City PNP sa publiko na maging maingat sa pagmamaneho upang maiwasan ang mga kahalintulad na mga insidente. (with reports from: Bombo Lyme Perez)