DAGUPAN CITY — Nakapagtala na nang kaunaunahang drug-cleared barangays ang lungsod ng Dagupan at ito ay ang Barangay IV at Mamalingling.
Sa isinagawa namang flag-raising ceremony sa city museum ng lungsod ay pormal na iginawad ng Regional Oversight Committee on Barangay Drug-Clearing Program sa mga naturang barangay ang Certificate of Drug-Cleared Barangay.
Ang naturang lupon ay binubuo ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Department of Interior and Local Government, Philippine National Police (PNP), Department of Health, at Dagupan City Government.
Ayon naman kay PDEA provincial chief Dexter Asayco, nakamit ng dalawang barangay ang drug-cleared status dahil wala nang nakita pang drug pusher ang kanilang tanggapan sa mga lugar na ito.
Sa ngayon ay may pito pang mga barangay sa lungsod ang sumasailalim sa proseso bago ito ideklarang drug-cleared. Kaugnay nito bilang parte parin ng programa para masugpo ang droga sa lungsod ay magpapatayo ang city government ng “Balay Silangan” alinsunod sa national drug reformation program, na magsisilbing temporary refuge ng mga drug offenders para sa kanilang pagbabalik-loob sa lipunan. (With reports from Bombo Adrianne Suarez)