DAGUPAN, CITY— Isang bangkay ng lalaking sanggol ang natagpuan sa Estecada River ng Zone 2 sa barangay Casantaan sa siyudad ng Urdaneta.

Ayon kay PSMS. Rodolfo Sumio Jr, Chief Investigator ng Urdaneta CPS, nadiskubre ng 32 anyos na magsasaka na si Christopher Pasion habang kumukuha ng kawayan sa lugar ang wala ng buhay na sanggol na nakataob sa gilid na bahagi ng ilog.

Agad naman niyang ipinagbigay alam ito sa mga opisyal ng barangay.

--Ads--

Nang marekober ang bangkay, walang saplot ang sanggol na tinatayang isang linggo pa lamang mula ng ito’y ipanganak.

Photo courtesy: Urdaneta City PNP

Ayon sa imbestigador, maaring gabi ng linggo itinapon ang katawan ng sanggol sa ilog dahil sariwa pa ang dugo na nakita mula sa ulo ng sanggol.

Base naman sa pagtatanong ng kapulisan sa mga residente sa naturang barangay, wala daw namang napansin na kahina-hinalang mga galaw o tao sa kanilang lugar subalit may posibilidad aniya na galing sa kabilang barangay ang natagpuang sanggol at naanod lamang sa lugar dahil malakas ang agos ng tubig sa naturang ilog.

Pansamantalang dinala sa isang funeraria sa lungsod ang labi ng sanggol habang nagpapatuloy ang imbestigasyon para matukoy ang magulang nito. (with reports from: Bombo Everly Rico)