DAGUPAN, CITY— Pinaalalahanan ni Dagupan City Mayor Marc Brian Lim ang publiko na huwag matakot at maging open minded patungkol sa COVID-19 vaccines.
Ito ang panawagan niya sa publiko kasunod na rin ng agam-agam ng mga mamamayan patungkol sa posibleng epekto at pagiging ligtas nito sa katawan ng isang tao kung ito ay matuturok.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mayor Lim, kanyang nabatid na base na rin sa kanyang mga nababasang mga artikulo at napapanood na mga balita tungkol sa pagproseso ng mga kompanya na gumagawa ng bakuna kontra sa naturang pandemya, inaasahan na umano niya na talagang may ilang negative reaction sa pisikal na katawan ang nabanggit na bakuna ngunit ang mga ito umano ay tolerable at kadalasang nararanasan ng mga nagpapaturok ng kahit na anuman pang klase ng bakuna.
Aniya, bagaman ang bakuna ay isang personal na desisyon ngunit mahalaga umano na magpa-isipang mabuti ng mga mamamayan ang magiging magandang maidudulot nito hindi lamang para sa kanilang sarili ngunit pati na rin sa iba pang mga taong nakakasalamuha nila.
Saad ni Lim, bukod sa napapababa nito ang tyansya na matamaan ng COVID-19 ang isang indibidwal ay naiiwasan din nito ang posiblidad na maospital, magkaroon ng pneumonia at maintubate, magdulot ng kahirapan dahil sa gastos, at ilagay sa kapahamakan ang pamilya na posibleng mahawa ng nabanggit na sakit.
Dagdag pa niya, prayoridad ng Dagupan City LGU na mapabakunahan ang mga indibidwal na kabilang sa hanay ng mga frontliner at mga matatanda na siyang vulnerable umano sa COVID-19. (with reports from: Bombo Framy Sabado)