Huli sa aktong pagnanakaw ng 2 buntis na kambing ang isang 22 anyos na lalaki sa brgy. Osiem sa bayan ng Mangaldan, Pangasinan.
Sa kumpirmasyon ni PLt./Col. Jun Wacnag, COP ng Mangaldan PS, kinilala ang suspek na si Gerald Gonzales alyas Bolyado, may ka live-in partner at isang construction worker.
Sa imbestigasyon na isinagawa ng kapulisan, bandang pasado alas-kwatro ng hapon ay nalaman na lamang ng biktima na si Renatos Bayasbas na residente mula sa Brgy. Casibong San Jacinto na nawawala na ang ipinastol nitong kambing sa nabanggit na lugar.
Bandang alas dos ng hapon ng kaniyang ipinastol ang 2 alaga nitong kambing malapit sa brgy. Osiem ngunit laking gulat na lamang nito sa kaniyang pag balik na wala na doon ang kaniyang mga alaga. Agad nitong ipinag bigay alam sa mga brgy. officials at mayroong nakapag sabi na ito ay tinangay ng suspek.
Sa pagsasagawa naman ng follow up operation ng mga otoridad naaktuhan sa pangangalaga ng suspek ang 2 buntis na kambing.
Sa nakalap pang impormasyon ng mga kapulisan, dati na palang nairereklamo ang naturang suspek dahil din sa kaso ng pagnanakaw ng mga panabong na manok at mga kambing.
Giit ni Wacnag, maaaring dala ng kahirapan sa buhay ang naging dahilan ng suspek bakit nito nagawa ang naturang pangyayari lalo pa’t pandemic at hindi naman tuloy-tuloy ang kaniyang hanap buhay.
Gayunpaman, handa pa ding maghabla ng kaso ang biktima at bilang tugon ng kapulisan, maaaring masampahan ng kasong PD 533 o Anti Cattle Rustling Law ang nabanggit na suspek ng sa gayon ay hindi na madagdagan pa ang bilang ng mga residenteng mananakawan ng mga alagang hayop sa kanilang lugar.
Kung pag uusapan naman ayon sa opisyal ang insidente ng nakawan sa kanilang nasasakupan, maituturing lamang ito bilang isolated cases at batay sa kanilang monitoring, ngayong buwan lamang ngayong taon, wala pa namang ibang naitalang robbery cases maliban sa naitala kahapon.




