DAGUPAN CITY — Patuloy ngayong inoobserbahan sa pagamutan ang isa sa 15 katao na sakay ng isang pick-up truck na bumaliktad matapos maaksidente sa bayan ng Sta. Barbara.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Police Maj. Angelo Camuyot, Chief of Police ng Sta. Barbara PNP, lumalabas na self-accident ang nangyari.
Aniya base sa kanilang imbestigasyon at nakuhang CCTV footage, mabilis ang patakbo ng sasakyan na may lulang 15 katao sa kabuoan dahil magovertake sana ito subalit may makakasalubong dahilan upang magdesisyon itong bumalik sa kaniyang lane pero sa pagbalik ay mayroon ulit makakasalubong na iniwasan muli nito dahilan ng pagkawala ng driver ng kontrol na nagresulta upang bumaliktad ito at tumilapon ang ilang sakay sa likuran.
Ayon pa sa hepe, isa ang seriously injured sa mga biktima.
Dagdag pa ni Camuyot, nabatid na karamihan sa sakay ng pick up ay pawang mga construction worker na galing ng bayan ng Mangaldan habang ang isa sa mga ito ay kanilang site engineer.
Itinuturing namang isolated case lamang ang nangyari dahil hindi naman umano accident prone area ang lugar.
Tinitignan din ng mga otoridad na dahilan ng aksidente ang pagiging overloaded ng pick-up truck dahil wala naman aniyang lango sa alak ng mangyari ang insidente. (with reports from Bombo Adrianne Suarez)