Nasawi habang sinasagip ng 16 anyos na binatilyo ang kaniyang alagang aso mula sa nasusunog na nirerentahang bahay sa barangay Poblacion West sa bayan ng Sta. Maria, Pangasinan.
Ayon kay SFO2 Barry Casanova, Arson Investigator ng Sta. Maria Fire Station, nakatanggap ang kanilang tanggapan ng report hinggil sa nasusunog na isang residential kung saan nangungupahan ang mag-inang si Rosa Mia Lagasca-Sumabong, empleyado ng LGU- Sta. Maria at Angelo Jordan Sumabong.
Malaki na ang apoy nang dumating ang rumispondeng bumbero dahil gawa sa light materials na kawayan at kahoy ang itaas na bahagi ng nasunog na bahay kaya mabilis na kumalat ang apoy.
Ayon sa kapitbahay, nakalabas na ang mag-ina nang magsimula ang sunog subalit naiwan ang isa sa mga alagang aso ng binatilyo kaya binalikan niya ito subalit natrap ito sa loob habang nirerescue ang kaniyang alagang aso.
Posibleng electrical short circuit naman ang pinagmulan ng naturang sunog dahil base sa pahayag ng kapitbahay ng mag-inang nasunugan matagal ng inasabi ng ginang na may nagi-spark sa loob ng kanilang inuupahang bahay pero hindi nila ito gaanong pinansin.
Dahil may kalumaan na rin ang naturang bahay naiwan na lamang ang konkretong parte ng bahay bagamat wala namang nadamay na kabahayan sa sunog.
Patuloy pa rin ang imbestigasyon hanggang sa ngayon sa halaga ng mga gamit na natupok sa nangyaring sunog at kung dahilan ng pagkamatay ng binatilyo.
Nagpaalala din ang fire officer na kapag may mga sunog ang mga saksakan madalas aniya na dahilan nito ay overloading kaya kailangan ng palitan gayundin sa mga gumagamit ng extension na ginagawang octupos connection para makaiwas sa sunog.