Isinailalim sa 14 days lockdown ang buong barangay Bituag matapos magpositibo sa covid19 ang apat na miyembro ng isang pamilya sa bayan ng Urbiztondo, Pangasinan.

Ito ang ginawang hakbang ng local IATF para maiwasan ang pagkalat ng covid19 virus sa ibang lugar sa naturang bayan.

Ayon kay Urbiztondo PNP chief P/Maj. Michael Datuin, base sa pagiimbestiga ng kapulisan katuwang ang Rural Health Unit, BHERT at Barangay Health Workers (BHW) , walang travel history sa labas ng probinsiya ang apat na covid19 patient.

--Ads--

Ayon din mismo sa pamilya, dumalo sila sa isang okasyon dito sa Pangasinan kung saan posibleng doon nahawaan ng sakit.
Nakaisolate na ang mga nagpositibo sa Pangasinan Provincial Hospital.

Mahigpit na binabantayan ngayon ang mga miyembro ng pamilya ng mga nagpositibo para sa striktong home quarantine.


Ngayong araw January 15, 2021, magsasagawa ng swab testing ang kawani ng PHO para sa mga kasambahay at close contacts ng apat na nagpositibo sa covid19.

Habang sumasailalim ang buong barangay sa lockdown, naglagay na rin ng talipapa upang doon na bumili ang mga residente ng kanilang kailangan.

Napagkasunduan din na kung may mangangailangan ng gamot katulad ng mga senior citizen na nagmimaintenance ng gamot at may karamdaman, ang mga barangay official na ang bibili at pupunta sa bayan.

Bunsod din ng umiiral na lockdown sa lugar, hindi muna pinapayagang makapasok ang mga galing sa ibang barangay lalo na ang mga magmumula sa ibang bayan.

Exempted naman sa restriksyon ang mga Authorized Person Outside Residence (APOR) ng barangay bituag na kailangang pumasok sa kanilang trabaho bagamat nakamonitor naman ang RHU at mga barangay health workers sa mga labas masok na APOR upang masiguro ang kanilang kaligtasan laban sa covid19.

Humingi naman ng pang-unawa ang alkalde ng bayan na si Mayor Raul Sison II sa kaniyang facebook live sa mga apektadong residente ng barangay Bituag at nangakong hahatiran ang lahat ng kabahayan ng tulong gaya ng bigas, noodles, kape at de lata.

Nanawagan din ang alkalde sa mga kababayan na sumunod sa mga patakaran, pagsusuot ng facemask at faceshield tuwing lalabas ng bahay at iwasan ang mass gatherings.