Muling nagpaalala ang Department of Trade and Industry o DTI Pangasinan sa mga namimili ng mga produkto online na sa mga lehitimo lamang na mga online sellers bumili.
Ayon kay DTI Pangasinan Provincial Director Nathalia Dalaten, ito ay upang maging madali ang proseso ng paghabol sa mga sellers sakali na mayroong problema sa kanilang mga bentang produkto lalo na at mayroon pa ring natatanggap na mga reklamo ang DTI kaugnay nito mula naman sa mga online buyers.
Giit nito na karamihan sa mga nareresolba nilang mga kaso ng imperfection sa mga produkto o deception o panloloko ng mga online sellers ay ang mga sangkot ay mga nakarehistrong nagbebenta ng produkto online.
Sa mga kaso naman na hindi lehitimo ang mga sellers, aminado si Dalaten na mahirap ang paghahabol at iniindorso na lamang ang reklamo sa ibang mga ahensiya gaya ng NBI upang masubukang maresolba.
Samantala, ibinahagi naman ni Dalaten na natutuwa ang kanilang hanay dahil sa nakikita nilang pagdami ng mga online sellers na nagpapa rehistro sa kanilang tanggapan mula pa noong buwan ng Nobyembre noong nakaraang taon.
Aniya, nangangahulugan ito na nakikita ng mga sellers ang kahalagahan ng pagiging rehistrado upang kilalaning lehitimo ang kanilang mga negosyo.
Payo naman ni Dalaten sa publiko na upang malaman kung lehitimo ang isang online seller, kailangan lamang alamin ang rehistradong business name o pangalan nito at hanapan lamang ng business permit mula sa LGU at dapat ay rehistrado din sa Bureau of Internal Revenue o BIR.