DAGUPAN, CITY— Pinabulaanan ng Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na hindi hoarding ang dahilan sa pagtaas ng presyo ng karne ng baboy at manok sa merkado.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Engr. Rosendo So, presidente ng nabanggit na grupo, sinabi nito na walang naganap na anumang pagtatago ng anumang suplay ng karne.
Kung sakali namang umanong may mahuhuli ang Department of Agriculture, ay dapat ay maaga na umano itong naanunsyo.
Katunayan umano, maraming mga local producers ang nalugi sa kasagsagan ng quarantine noong nakaraang taon kung kaya marami ang tumigil sa pag-aalaga na siyang dahilan ng pagsipa ng presyo ng karne ng baboy at manok.
Isa pa sa dahilan ng pagkalugi ng mga negosyante ng mga poultry at livestock product ay marami ang inaangkat na mga produkto sa ibang bansa.
Kung kaya’t asahan umano na kahit tapos na ang holday season ay mataas pa rin ang presyo ng mga nabanggit na produkto sa mga pamilihan.