Mas hinigpitan ngayon ang mga ipinapatupad na health protocols sa bayan ng Rosales, Pangasinan dahil sa tumataas na bilang ng natatamaan ng covid19 base sa napagkasunduan sa pagpupulong ng Municipal IATF.
Ayon kay PMaj. Fernando Fernandez, hepe ng Rosales PNP, kung dati umano ay pinagsasabihan at pinapauwi na lamang ang mga nahuhuling lumalabag, ngayon ay kakasuhan na ng paglabag sa Article 151 o resistance and disobedience to person in authority lalo na ang mga nasa ilalim ng strict home quarantine na lumalabas ng kanilang bahay.
Layunin nito na mapigilan ang lalong pagkalat ng covid 19 sa bayan matapos na umakyat pa sa 21 ang aktibong kaso ng nahahawaan ng sakit.
Mahigpit na binabantayan ngayon ang mga kapulisan kasama ang mga barangay officials at iba pang law enforcers ang ilang lugar na nakasailalim sa lockdown ang barangay San Antonio na may maraming kaso kabilang ang ilang household compound sa Poblacion, Zone IV at Carmen West.
Hindi din binago ang curfew hours sa bayan ng Rosales na umiiral mula alas-8 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga subalit hindi kabilang dito ang mga APOR at nagbebenta sa palengke.
Strikto ding pinagbabawalan na pumasok sa mga malls ang mga bata edad 15 pababa alinsunod sa national IATF protocols.