Inamin ng TESDA Pangasinan na mayroong mga rehistradong paaralan ang nagsara dahil sa nararanasang Pandemya, bagamat hindi naman ganoon karami ang mga ito.

Ayon kay TESDA Pangasinan Director Jimmicio Daoaten, sa probinsya ng Pangasinan ay mayroong 130 na mga registered schools at batay sa kanilang monitoring, mayroong tatlo mula sa siyudad ng Urdaneta ang nagsara, habang ang ilang mga paaralan naman ay pinili na lamang ang boluntaryo munang pagtigil ng kanilang operasyon.

Paliwanag ni Daoaten, nang magkaroon ng COVID-19 Pandemic, nagbago ang sectoral priorities ng kanilang hanay, kaya naman naapektuhan ang ilang mga paaralan, gaya na lamang ng mga nag-aalok ng mga training programs na may kinalaman sa turismo.

--Ads--

Marami sa mga ito ang hindi nabigyan ng alokasyon para sa mga tatanggaping trainees at dahil hindi nila kakayanin ang magpatuloy nang wala ang scholarship na alok ng TESDA, pinili na lamang nilang magsara at umasang muling magbukas sa susunod na taon.

Samantala, tiniyak naman ni Daoaten na sa kabila nito, marami paring mga eskwelahan ang katuwang ng kanilang tanggapan sa pagpapatupad ng kanilang mga programa at sa katunayan, ang problema nila ngayon ay ang kakulangan ng mga estudyante na mag-eenroll.

Isa aniya sa nakita nilang dahilan ay ang pangamba ng mga ito sa pandemya, bagamat sinabi nito na wala dapat ikatakot ang mga ito basta sumunod lamang sa mga health protocols.