Muling maghahatid ng relief goods sa ikalawang pagkakataon ang 702nd Infantry Brigade ng Philipine Army sa mga nasalanta ng bagyong Ulysses sa lalawigan ng Cagayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Maj. Rogelio Dumbrigue, Civil Military Operations Chief, ito ay sa ilalim ng inisyatibo ng 1st Regional Community Defense Group (RCDG) na pinamumunuan ni Group Commander Arnel Baustista.
Kanilang dadalhin ang inihandang mga donasyon sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija upang doon ipunin ang lahat ng relief goods mula pa sa ibang mga lugar at tyaka dadalhin sa Cagayan.
Nagmula ang mga naturang donasyon mula sa 20 iba’t-ibang mga paaralan at unibersidad sa lalawigan ng Pangasinan kasama na ang joint forces mula sa Sangguniang Kabataan (SK) ng bayan ng Umingan, SK Mangaldan, SSG Sual National High School, Girl Scouts of the Philippines (GSP) Pangasinan Council at sa Bise Alkalde ng bayan ng Lingayen na si Hon. Judy De Leon Vargas, at Municipal Councilor Aldrin Soriano ng bayan ng Mangaldan.
Samantala, patuloy pa rin umano ang search & rescue at pagtulong na nagpapaabot ng mga donasyon ang Special Units mula sa Philippine Army, Philippine Navy, Philippine Airforce, Philippine Marine at Philippine National Police (PNP) sa mga nasalanta ng naturang bagyo sa Cagayan.
Matatandaang sa unang paghahatid tulong ng 702nd Infantry Brigade ng Philipine Army ay katuwang nila ang Pangasinan Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO).