Kasalukuyan nang iniimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) Dagupan ang kaso ng mga nabiktima ng gold investment scam.
Ayon kay NBI Dagupan Director Rizaldy Jaymalin, tatlo ang mga nabiktima ng investment scam mula sa lalawigan ng Pangasinan ang dumulog sa kanilang himpilan.
Aniya, base sa mga nabiktima ay marami pang mga kasamahan ng mga ito ang nabiktima rin ng suspek na umabot pa sa iba’t-ibang lalawigan.
Sa ngayon ay patuloy nilang iniimbestigahan ang insidente at kapag nakalikom na ng sapat na ebidensya ay tuluyan nang isusumite ang kaso sa prosecutors office.
Sa kanilang imbestigasyon na isasagawa ay kukunan ng statement ang mga complainant at kung kinakailangan pa umanong irefer sa forensic laboratory division ng nbi sa maynila ay isasagawa ito ngunit kung sapat na ang mga statement ng witnesses upang matukoy ang identity ng tao at mayari ng account ay pwede nang ifile ang kaso sa suspek.
Nasa P15,000 – P100,000 ang perang natangay sa mga biktimang dumulong sa nasabing himpilan at upang magkaroon ng right estimate sa kung magkano ang kabuuang natangay ng suspek ay nararapat na dumulog ang iba pang complainants na naloko nito.
Ayon pa sa opisyal nung pumasok ang pandemic ay marami talagang mga tao na nanamantala na gumamit ng internet para manloko katulad ng investment scam na ito kung saan kadalasan ay humihingi ng pera ang mga suspek tsaka ito tatangayin.
Kaya’t hinahasa rin ang mga imbestigador upang mas masolusyunan ang ganitong uri ng panloloko. //Reports from Bombo Adrianne Suarez