Labis na pagkadismaya ang nararamdaman ngayon ng isang ginang mula sa lalawigan ng Pangasinan na nabiktima ng investment scam na nakita lamang nito online.
Sa bahagi ng ating naging panayam sa tumanggi ng magpakilala na biktima, nahikayat itong sumali sa naturang investment dahil maganda naman ang proseso, malaki ang interest at dahil na rin sa pandemya ay kinakailangan nila ng extra na income na pwedeng makapag palago ng kanilang mga pera.
Aniya, buwan ng Mayo ngayong taon ng nagdesisyon itong sumali sa nasabing online investment kasama ang kaniyang asawa at nahikayat din umano niya ang ilan sa kaniyang mga kaanak at mga kaibigan.
Simula umano rito ay nakapag invest na sila ng ilang libong pera at nakita naman nilang maayos ang pagpay out sa kanila at isa pa umano sa nakapag engganyo sa kanila ay ang pagbibigay din ng founder ng mga exta freebies kung kanilang tawagin.
Tumagal din naman umano na naging maganda ang kanilang mga transaksyon hanggang sa palaki na ng palaki ang kanilang iniinvest na pera upang mas malaki din ang balik sa kanila.
Ngunit nito lamang buwan ng Nobyembre ay dito na nagsimulang mapansin ng mga miyembro na nagkakaroon na ng delay sa pay out at ang dahilan ng founder ay mayroong delay sa kanilang mga transaksyon dahil sa nagdaang bagyo.
Ngunit dito na mas lalong nagtaka ang mga miyembro hanggang sa dumating na nga ang pagkakataon na halos wala ng update na natatanggap mula sa founder na nakilala naman sa pangalan na Shiela Fajardo na residente mula sa Camarines Norte.
Kaya naman hiling niya at ng mga kapwa niya nabiktima na sana ay makipag usap ito ng maayos sakanila, lumantad na at ibalik ang kanilang mga pera matapos maloko ang mga ito sa nasabing online investment scam.
Samantala, iginiit nito na hindi dahil sa isa siya sa mga ahente ay isisisi na sa kaniya lahat ng mga miyembro dahil pati rin mismo siya ay nabiktima dahil bago ito maging ahente ay nag invest din siya ng malaking halaga ng pera.
Hiniling niya sa mga kapwa niya biktima na maghintay dahil matagal na proseso ang pagrefund.
Matatandaan na natangay ang hindi bababa sa kalahating milyong piso mula sa pitong katao mula sa ibat ibang lugar sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa nasabing investment scam.
Nagpasiyang dumulog sa pulisya ang nasabing mga indibiduwal upang magreklamo sa pag asang mabawi ang kanilang pera