Patuloy ngayong iniimbestigahan ng Calasiao Police Station ang pagkakatangay umano ng hindi bababa sa kalahating milyong piso mula sa pitong katao mula sa ibat ibang lugar dito sa lalawigan ng Pangasinan dahil sa isang investment scam.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni Police Lt. Ramil Castro, tagapagsalita ng Calasiao Pnp, pitong indibiduwal mula sa iba’t-ibang lugar dito sa lalawigan ng Pangasinan ang nagpasiyang dumulog sa kanilang himpilan upang magreklamo hinggil sa isang Gold Investment.
Base aniya sa kanilang reklamo, may isang tao sa bayan ang nangungulekta ng pera na investment ng mga biktima sa pamamagitan ng mga pagpapadala ng money remittance papuntang Camarines Sur kung saan umano nagmula ang pinakalider ng grupo.
Noong unang mga buwan umano ng transaksyon ay maganda ang naging takbo nito, pero noong manalasa na ang Typhoon Rolly ay nagdeklara ng bankcruptcy ang pinuno nito bagamat nangako naman umano ito na magbabalik ng bahagi ng pera subalit hindi na ito nangyari pa.
Ayon pa kay Castro, ang mga biktima ay hindi lang lamang residente sa bayan ng Calasiao kundi nagmula sa iba’t-ibang panig ng probinsya, nagdesisyon lamang silang doon magreklamo dahil residente doon ang itinuturing na nakarecruit sa kanila.
Kung susumahin din aniya ang natangay mula sa pitong nagrereklamo ay hindi bababa sa P500,000.