DAGUPAN, CITY— Patay ang isang 47 anyos na empleyado ng Mayor’s Office ng bayan Sual matapos mabangga ng kaniyang minamanehong kotse ang isang ordinary bus dahil sa overspeeding sa Sitio matalakitic sa barangay Caoayan sa bayan ng Sual.
Nagtamo ang naturang biktima ng matinding pinsala sa kaniyang ulo na sanhi ng kamatayan nito. Ayon kay PSSg Rennon Mislang, chief investigator ng Sual PNP, galing ng Dagupan City ang bus na minamaneho ni Romir Rey, 31, residente ng Namagbagan, sa bayan ng Anda papuntang Alaminos City nang mabangga ito ng isang kotse na minamaneho ni Winston Geronimo, 47, residente ng Paitan West na pauwi na sana sa bayan ng Sual.
Batay sa imbestigasyon, ang kotse ang nakabangga sa bus kung saan sa sobrang bilis ng pagpapatakbo ng driver ng kotse ay hindi niya nakontrol ang manobela kaya napunta ito sa kabilang lane na nagresulta sa matinding pagkawasak ng parehong harapang bahagi ng kotse at bus.
Buhay pa ng nirescue ang sakay ng kotse subalit idineklarang DOA ng isugod ito sa pagamutan. Hindi naman nasa impluwensiya ng alak at wala ding nakikitang problema sa kotse na minamaneho ng nasawing empleyado.
Wala namang natamong sugat ang driver ng bus at ligtas naman ang 15 pasahero na lulan nito na papunta sana noon ng Anda. VC MISLANG DOA
Maari pa ring kasuhan ng reckless imprudence resulting to homicide and damage to property ang driver ng bus dahil nagresulta ang banggaan sa kamatayan ng driver ng kotse depende sa disposisyon ng piskalya kung itutuloy o ibabasura ang kaso.
Nakatakada ding kakausapin ng pamilya ng nasawing driver ng kotse ang driver ng bus para sa posibleng pag-areglo sa naturang kaso.
Sa ngayon, pansamantalang nasa kustodiya ng Sual PNP ang driver ng bus.