DAGUPAN, CITY—Blangko pa rin ang mga otoridad sa ikalawang insidente ng pamamaril na naitala kaninang umaga dito sa lalawigan ng Pangasinan, partikular na sa bayan ng San Jacinto.
Una rito, patungo sana sa Municipal Hall ang biktima na si Ofelia Castillo, 56 anyos sakay ng isang tricycle na minamaneho ng anak nito subalit habang binabagtas ang kahabaan ng provincial road ng Brgy. San Jose ay tinambangan ito ng isang lalaking lulan ng isang kulay gray na motorsiklo at doon na binaril ang biktima ng dalawang beses.
Naitakbo pa sa isang pagamutan dito sa lungsod ng Dagupan si Castillo subalit, ideneklara na itong dead on arrival dahil narin sa natamo nitong tama ng bala sa ulo.
Sa exclusive intervew naman ng Bombo Radyo Dagupan, inihayag ni P/Maj. Edgar Allan Serquiña, Chief of Police ng San Jacinto PNP, sa kanilang inisyal na imbestigasyon, walang alam ang naiwang kaanak ng biktima na nakaaway nito. Habang sa panig ng PNP ay walang naireport na may banta sa buhay ang biktima.
Dahil dito aniya ay magsasagawa ng back-tracking sa record ng biktima upang makakuha sila ng posibleng impormasyon na makapagpapalinaw sa krimen kasabay ng pagrepaso sa mga kuha ng CCTV Camera malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Nabatid si Castillo ay ding naging empleyado ng Bombo Radyo Dagupan hanggang sa makalipat sa Department of Trade and Industry (DTI) Pangasinan bago maging empleyado ng LGU San Jacinto bilang pinuno ng Human Resource (HR) Department. (with reports from Bombo Adrianne Suarez)