Lubusan na naaalarma sa ngayon ang LGU San Fabian bunsod ng patuloy na pagdami ng mga Covid-19 cases sa kanilang nasasakupan.

Batay sa kanilang latest data at kumpirmasyon ni San Fabian Municipal Health Officer Dr. Jose Quiros Jr, sa loob ng 2 linggo ay nakapag tala sila ng 13 panibagong kaso dahilan upang tuluyang umabot sa 43 ang confirmed cases ng naturang sakit sa kanilang bayan.

Ilan sa mga barangay na patuloy nilang binabantayan at pinagmulan ng kanilang mga Covid-19 patients ay ang mga Bry. Poblacion, Longos, Sagud Bahley, at Nibaliw East.

--Ads--

Ayon kay Quiros, karamihan naman sa kanilang mga covid-19 patients ay walang naitalang travel history sa labas ng probinsya ngunit galing sa siyudad ng Dagupan at nagtatrabaho bilang mga health workers.

Ayon sa opisyal, nagsagawa sila ng isang pagpupulong at kanilang napag usapan ang ilang hakbang na maaari nilang gawin at iimplementa upang mas mapaigting ang mga umiiral na health protocols sa kanilang lugar.

Dagdag pa nito na hindi siya sigurado kung tunay bang nasusunod ng kanilang mga residente ang mga panuntunan, kayat hinamon nito ang mga Brgy. Officials maging ang ibang mga covid-19 task force na kinakailangang mas pag ibayuhin pa nila ang pagbabantay sa kanilang bayan.

Sa kabila ng pagkakatala ng mataas na bilang ng kumpirmadong kaso ng Covid-19, wala naman aniyang problema sa pagsasagawa ng contact tracing dahil may mga naidagdag naman sa kanilang miyembro na ipinadala ng DILG.

Isa sa mga nakikita nitong dahilan kung bakit mabilis ang paglobo ng mga kumpiramadong kaso hindi lang sa kanilang bayan kundi maging sa ating lalawigan ay bunsod na din ng unti-unting panunumbalik sa normal ng ating komunidad maging ang galaw ng taumbayan.