DAGUPAN, CITY— Nagbabala ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) sa mga low-lying areas sa lalawigan na maghanda at maging aalerto sa posibleng pagbaha dulot ng epekto mg Bagyong Rolly ngayong nakasailalim na sa Signal #1 ang probinsya ng Pangasinan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Shallom Balolong, Head Early Warning Officer ng PDRRMO Pangasinan, inaabisuhan nito ang mga residente sa lalawigan na maghanda sa magiging epekto ng naturang sama ng panahon sa lalawigan sa mga susunod pang mga araw.

Kailangan umano na masiguro ng bawat pamilya ang kanilang gagawin sa mga ganitong pagkakataon. Dapat aniya ay alam ng mga ito kung saang lugar sila lilikas, gaya na lamang ng mga nakahandang mga evacuation centers.

--Ads--
Tinig ni Shallom Balolong, Head ng Early Warning Office ng PDRRMO Pangasinan

Gayundin umano na nakalagay na sa kanilang ‘go bag’ ang kanilang mga pangunahin mga pangangailangan gaya na lamang ng mga pagkain na sasapat ng hanggang tatlaong araw, pagsecure sa mga mahahalagang dokumento, damit, maiinom na tubig, at iba pa.

Dagdag pa ni Balolong, dapat din umano ay mas mapatibay o makumpuni ng mga residente ang kanilang mga bahay upang maiwasan na matangay ng hangin ang kanilang mga kabahayan dulot ng malakas na hangin na dala ng naturang bagyo.

Tinig ni Shallom Balolong, Head ng Early Warning Office ng PDRRMO Pangasinan

Gusto rin ipaalala ng kanilang tanggapan sa mga residenteng lilikas na huwag nilang hahayaan ang mga alagang hayop na maiwan sa kanilang bahay at mangyari na lamang aniya na dalhin ang mga ito sa ligtas na lugar upang maiwasan na malunod ang mga ito.