DAGUPAN, CITY— Nagsagawa ang Pangasinan PDRRMC ng Predisaster Risk Assessment para mapaghandaan ang maaring epekto ng Typhoon Rolly na posibleng dumaan sa lalawigan ng Pangasinan sa mga susunod na araw.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Shallom Balolong, Head Early Warning Officer ng PDRRMC, kanyang sinabi na nagsagawa na sila ng pagpupulong kasama ng lahat ng PDRRMC Response Cluster Officers kasama si Governor Amado I. Espino III.

Aniya, pagkaraang nalaman ng kanilang tanggapan na nasa typhoon catergory na ang naturang bagyo ay isinagawa na nila ang naturang pagpupulong upang mapag-usapan ang kanilang magiging hakbang upang tumugon sa mga kababayan dito sa lalawigan na maaring maapektuhan ng naturang samang panahon.

--Ads--

Saad pa ni Balolong, bagaman normal pa sa ngayon ang lebel ng tubig sa mga ilog sa probisya, ay nakahanda na ang kanilang tanggapan para sa evacuation plan para sa mga low lying areas at mga kabahayan na malalapit sa ilog sa mga bayan at siyudad sa lalawigan madalas nagkakaroon ng flashflood kapag sobrang malakas ang ulan gaya na lamang ng bayan ng Aguilar, Mangatarem, at Bugallon.

Mahigpit nila ngayong binabantayan ang mga ilog na madalas umapaw gaya na lamang ng Kayanga River sa bayan ng San Fabian at dahil mabils tumaas ang level ng tubig at may history umano ng flashflood.

Tinig ni Shallom Balolong, Head Early Warning Officer ng PDRRMC

Bukod pa umano rito, ay nakadeploy na rin ang mga rescue boat sa may bahagi ng isang ilog sa bayan ng Mabini upang sumaklolo sa mga residente na maapektuhan ng naturang bagyo.