Nasampolan sa mahigpit na pagpapatupad ng batas ang isang barangay kagawad matapos maaresto sa paglabag sa umiiral na provincial at municipal ordinance ng curfew hours at pagiingat ng iligal na baril sa bayan ng Alcala, Pangasinan.
Ayon kay PLT. Joemar Borja, Deputy COP ng Alcala PS, nirespondehan ng kapulisan ang natanggap na report mula sa biktima na kinilalang si Retired Policeman Romeo Manzano kung saan hinamon umano siya ng suntukan nang makita ito ng suspek na si Frederick Mata, 52 anyos, Barangay kagawad ng San Pedro Ili sa nasabing bayan.
Nadiskubre na nasa impluwensiya ng alak ang suspek ng mangyari ang insidente at armado ng hindi lisensyadong baril.
Dala ng kalasingan, napagdiskitahan din nito ang kaniyang kasama na umaawat lamang noon sa pagaamok ng suspek at naglabas di umano ng baril.
Sa kabutihang palad hindi naman nagtamo ng galos ang biktima.
Isinuko naman ng kaibigan ng suspek ang baril na caliber 380 pistol na may isang magazine at anim na bala na ginamit di umano ng suspek sa pananakot.
Sasampahan ang suspek ng kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive firearms and ammunitions Regulation Act sa ilalim ng preliminary investigation at sasailalim sa 12 oras na community service dahil sa paglabag sa curfew hours.
Sa ngayon, nakapiit sa Alcala PS ang naarestong incumbent kagawad.




