Ibinahagi ng tinaguriang ‘Honest Police’ na si Police Corporal Marold Ferrer Cabrera ng Asingan PNP, ang payo nito matapos ang naging karanasan sa pagkakatagpo at pagsasauli ng isang bag na naglalaman ng tinatayang P3 million halaga ng pera at alahas.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Dagupan, ikinuwento ni Cabrera na nakatalaga sa Asingan PNP, na nagsimula ang lahat sa pagkain nito sa isang restaurant sa bayan ng Rosales, kung saan nakasabayan niya ang isang grupo ng costumer at napansing isa sa mga ito ay nakaiwan ng bag bagay na noong una ay inakala pa nitong mababalikan din agad . Subalit umalis na ang naturang grupo kayat agad nitong kinuha ang bag .

Nang kaniyang suriin ay tumambad sa kaniya ang dalawang bundle ng pera na nagkakahalaga ng P200,000 at mga mga alahas na tinatayang humigit kumulang tatlong milyong piso ang halaga.

--Ads--

Kuwento pa ni Cabrera na bagamat hindi na bago sa ganitong mga pangyayari kung saan may napupulot na pera o pagbabalik ng mga nakikitang mga gamit ito aniya ang unang beses na malaking halaga ang sangkot.

Inamin naman nito na hindi rin siya nakaligtas sa tukso at sa katunayan maraming sumagi sa kaniyang isip ng makita ang laman ng bag dahil sa malaking halaga kung saan maaari itong maipambayad utang at marami ng maitutulong sa kaniyang pamilya.

Subalit namayani aniya ang kasabihang sinusunod nito na ‘walang nalulugi sa paggawa ng mabuti’ kaya naman nagdesisyon itong dalhin ang napulot na bag sa kanilang himpilan.

Kasunod nito ay hinikayat ni Cabrera ang publiko na sakaling malagay din ang mga ito sa kahalintulad na pagkakataon ay isauli din ang bagay na napulot dahil ay kaparaanan aniya ang Diyos upang tayo ay mabigyan ng biyaya na hindi kinakailangang mawalan ang ibang tao.

Police Corporal Marold Ferrer Cabrera ng Asingan PNP

Matatandaang, pinarangalan ng Pangasinan Police Provincial Office si Cabrera dahil sa kaniyang ginawa.