DAGUPAN, CITY— Mariing tinutulan ng ilang grupo dito sa lalawigan ng Pangasinan ang planong pagpapatayo ng pangalawang Coal Powerplant sa probinsya.

Ang naturang powerplant ay isang 1000-megawatt na Korea Electric Power Corporation (KEPCO) na proyekto ng kuryente sa karbon sa Barangay Baquioen sa bayan ng Sual.

Ayon kay Eco Dangla, tagapagsalita ng Bayan Pangasinan, kanyang sinabi na malaki ang magiging masamang epekto nito lalo na sa kapaligiran at sa kalusugan ng mga mamamayan malapit sa pagtatayuan ng naturang planta.

--Ads--
Tinig ni Eco Dangla, tagapagsalita ng Bayan Pangasinan

Kanyang tahasang inihayag ang kanilang pagkontra sa nabanggit na proyekto dahil aniya, ang pagsusunog ng karbon ay naglalabas ng mga nakakalasong polusyon na nasa hangin at heavy metals tulad ng mercury, sulfur dioxide (SO2), nitrogen oxides (NOx), particulate matter at iba pang mapanganib na mga pollutant tulad lead, cadmium, carbon monoxide, volatile organic compounds na gumagawa ng osono, at arsenic na ilan sa mga greenhouse gases na siyang nakakasira sa ating ozone layer.

Ang mga naturang mga elemento ay malaking naiiaabag sa nararanasang ‘Climate Change’ ng mundo.

Bukod pa umano rito, ang mga host na komunidad at mga nakapaligid sa planta ng kuryente ng karbon ay maaaring makakuha ng mga sakit sa paghinga tulad ng hika, bronchitis, pharyngitis at iba pang mga malalang sakit; impeksyon sa balat; nagpapalala rin ng mga sakit sa puso; at kontaminasyon sa mga carcinogens at sangkap na nakakasira sa mga nervous, digestive, at immune system.

Kung matatandaan, ang lalawigan ng Pangasinan ay naghohost na rin ng 1200-megawatt Sual Coal-Fired Power Plant sa Barangay Pangascasan sa bayan ng Sual na siyang isa sa pinakamalaking coal powerplant sa bansa.