DAGUPAN, CITY— Pinarangalan ng Pangasinan Police Provincial Office ang isang pulis mula sa bayan ng Asingan dahil sa ipinamalas nitong katapatan matapos niyang isauli sa may-ari ang napulot nitong bag na naglalaman ng pera at alahas na tinatayang nagkakahalaga ng humigit kumulang tatlong milyong piso.
Ang naturang pulis ay si Police Corporal Marold Ferrer Cabrera ng Asingan PNP.
Base sa nakalap na impormasyon mula sa PIO Asingan, katabi umano ni Cabrera ang isang grupo ng customer na kumakain sa isang restaurant malapit sa boundary ng Pangasinan-Tarlac.
Makatapos kumain ang nasabing grupo, isa sa kasamahan nilang babae ang nakaiwan ng bag. Pinulot umano ito ng nabanggit na pulis at nadiskobreng naglalaman ang bag ng P200,000 pesos na cash, atm card at ibat-ibang klase ng alahas na posibleng may kabuoang halaga na humigit kumulang tatlong milyong piso.
Bagaman malaking halaga ang laman ng naturang bag ay hindi nasilaw ang pulis at agad naman niyang hinanap ang may-ari ng naiwang bag.
Hinabol pa ni Cabrera ang sasakyan kung saan lulan ang grupo ng customer sa Tarlac na pauwi ng Maynila upang maibalik ang naturang bag.