DAGUPAN CITY– Pormal nang inanunsyo ng Lokal na Pamahalaan ng Lingayen ang pagsasara ng mga pampubliko at pribadong sementeryo, kolumbaryo, at memorial parks mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4, 2020.

Kasunod ito ng mandato ng Inter-Agency Task Force na isarado ang mga libingan sa buong bansa sa darating na Undas.

Mismong ang PNP Lingayen sa pamumuno ng bago nitong hepe na si Police Lieutenant Colonel (PLTCOL) Jose L. Abaya II ang magpapatupad ng nasabing batas sa bayan.

--Ads--

Sa katunayan, pinulong na ni Abaya ang lahat ng mga punong barangay sa bayan upang ipaalam ang naturang derektiba ng national government. Hiningi din nito ang kanilang kooperasyon para sa mas maayos at sistematiko umanong pagpapatupad ng naturang patakaran.

Batay guidelines ng IATF at sa Executive Order No. 62 na nilagdaan ni Mayor Leopoldo N. Bataoil, bukas ang mga libingan sa ibang araw maliban lamang sa Oktubre 29 hanggang Nobyembre 4.

Lilimitahan rin sa 30 porsiyento ang venue capacity o ang bilang ng mga bibisita sa mga sementeryo bago o pagkatapos ang mga petsa ng pagsasara.
Dapat din umanong magsuot ng face mask at face shield, at sumunod sa physical distancing ang mga pupuntang sementeryo.

Sa ngayon, pinaplano pa lamang ng pulisya ang pagkakaroon ng schedule sa bawat barangay na maaaring magtungo o dumalaw sa mga puntod para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.