DAGUPAN, CITY— Humingi na ng tulong sa Dagupan City PNP ang mga barangay officials sa barangay Bonuan Gueset upang striktong maipatupad ang mga standard health protocols dahil sa pagtaas ng bilang ng mga COVID-19 cases sa kanilang lugar.
Ayon kay barangay Bonuan Gueset administrator Ramil Soy, kailangan nila ng assistance sa pagsaway dahil kahit anong pagsabi ng mga tanod ay may mga matitigas pa rin ang ulo dahil ang ilan sa naitatalang kaso ay ang mga magkakamag-anak at magkakapitbahay na nagkahawaan.
Pagbabahagi din nito, na sa kanilang barangay din umano galing ang pinakamaraming indibidwal na nahuhuli ang mga otoridad dahil sa paglabag sa mga umiiral na protocols tulad ng mga pasaway na naglalaro pa rin ng basketball at lumalabag sa curfew hour.
Kaya naman nakikiusap naman ang naturang opisyal sa mga residente ng kanilang barangay na makipagtulungan at sundin ang nga standard health protocols upang hindi na madagdagan pa ang COVID-19 cases sa kanilang lugar.
Kung matatandaan, ang naturang barangay ang siya ring may pinakamaraming aktibong kaso ng COVID-19 sa buong lungsod ng Dagupan. (with reports from: Bombo Adrianne Suarez)