DAGUPAN, CITY— Nasa pangangalaga na ng otoridad ang isang 19 anyos na binata matapos itong arestuhin dahil pag hostage sa limang na indibidwal sa kanilang tahanan sa bayan ng Sta. Maria.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PCapt. Jervel Rillorta, COP ng Sta Maria PNP, ipinarating ng magulang ng suspek ang umano’y nangyayaring hostage taking incident kung saan ikinulong ng suspek ang limang kaanak nito kasama na rito ang kaniyang mga kapatid sa loob ng kwarto habang hawak nito ang isang kutsilyo.
Nang rumesponde ang otoridad ay pumayag naman ang suspek na palabasin ang apat sa mga hinostage nito at naiwan ang kanyang isang kapatid sa loob. Habang nagpapatuloy ang kanilang negosasyon sa suspek ay nagawang makatakas ng natitira nitong hostage at ito na rin ang pagkakataon na tumakbo ang suspek at umakyat sa bubong ng kanilang kapitbahay.
Saad ni Rillorta, dahil sapilitan pa nilang nakuha ang hawak nitong patalim ay nagtamo ng konting galos ang isang pulis na rumesponde dito.
Wala namang nasaktan sa limang indibidwal na hinostage ng suspek ngunit agad pa rin namang dinala ang mga ito sa malapit na pagamutan dahil sa posibleng trauma na narasanasan ng mga ito.
Tumagal ang pakikipagnegosasyon sa suspek ng halos 20-40 minuto hanggang sa malapitan na ito ng ilang miyembro ng kapulisan at kinuha na ang hawak nitong kutsilyo.
Maaring depression at matinding problema ang nagtulak sa suspek upang gawin ang naturang krimen dahil ayon din mismo sa pamilya nito bago ang insidente ay kanila ng napapansin ang kakaibang ikinikilos nito.
Sa ngayon ay hindi naman na nagsampa ng kaso ang mga kaanak ng naturang suspek ngunit maari pa rin naman nitong kaharapin ang kasong direct assault na isasampa ng PNP. (with reports from: Bombo Mariane Esmeralda)