DAGUPAN, CITY— Arestado ang mag-ama na suspek sa pananaksak sa dalawang lalaking magkapatid na nagkwekwentuhan lamang sa harapan ng kanilang bahay sa barangay Apaya sa bayan ng Mapandan.

Kinilala ang mga suspek na sina Roland Ruiz Aquino 60 anyos na salt dealer at anak nito na si Romeo Colona Aquino, 23 anyos , kapwa residente ng nabanggit na lugar.

Base sa impormasyon mula sa Mapandan PNP, nasa kasagsagan ng kwentuhan noon ang magkapatid na biktima na sina Elexzardo Parentella, 64 anyos at Leonardo Parentella , 50 anyos kapwa residente ng Brgy. Golden sa naturang bayan, nang biglang nagsisigaw ng walang malinaw na dahilan ang suspek na si Romeo Aquino pagkarating nito sa lugar kung nasaan ang mga biktima kaya’t nilapitan siya ng magkapatid at sinabihan na huwag sumigaw.

--Ads--

Sa kabila nito, hindi nakinig ang suspek at umuwi ito sa kanilang bahay at kumuha ng matalim na bagay at binalikan nito ang magkapatid kasama ang kaniyang ama saka pinagsasaksak ang mga biktima. Nagtamo ng saksak si Leonardo Parentella sa kaniyang tiyan habang tinamaan naman si Elexzardo Parentella sa kaliwang kili-kili nito.

Agad na isinugod ang mga biktima sa Mapandan Community Hospital para sa medical treatment at kalaunan inilipat sa Region 1 Medical Center Hospital, dito sa siyudad ng Dagupan.