DAGUPAN, CITY – Nahaharap sa kasong Attempted Murder ang 41 anyos na magsasaka matapos na gilitan ang dalawang lalaking kainuman sa Barangay Buer sa bayan ng Aguilar.
Ang mga nabanggit na mga biktima ay kinilalang sina Jerson Repalda, 21 anyos at Jason Castro, 18 anyos.
Ayon sa Aguilar PNP, ang naturang suspek ay nakilalang si Christian Dela Cruz, at residente ng naturang barangay.
Batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, ang suspek at mga biktima umano ay nag-inuman sa nasabing lugar ngunit sa hindi maliwanag na dahilan, ay biglang pumusisyon sa likod ng mga biktima ang naturang suspek at ginilitan ang mga kainuman sa kanilang leeg gamit ang isang kitchen knife.
Dahil dito, nagtamo ng sugat ang mga biktima sa kanilang leeg at agad na dinala sa Mangatarem District Hospital para malapatan ng lunas.
Sa ngayon ang suspek ay nasa kustudiya na ng Aguilar Police Station para sa maayos na disposisyon.