Binigyang linaw ng Sangguniang Panlalawigan kung bakit naitalagang ganap ng ordinansa sa lalawigan ng Pangasinan ang ang Provincial Ordinance No. 242-2020 o ang pagsusuot ng face shield kasama ng face mask.
Sa naging eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay 1st District, Board Member, Hon. Margielou Orange Humilde-Verzosa, na siyang may-lagda ng naturang ordinansa, ito umano ay dahil na rin sa pagtaas ng naitatalang kaso ng COVID-19 sa probinsiya.
Partikular na ang pagkahawa mula sa mga Authorized Person Outside Residence (APOR), frontliners at mula sa mga pribadong establishimento.
Naniniwala ito na kung mabibigyan lamang ang publiko ng tamang paraan upang maproteksyonan ang kani-kanilang mga sarili ay maiiwasan ang posibilidad nang pagkahawa sa nabanggit na sakit.
Sa nasambit na ordinansa ay layunin lamang umano nito na paigtingin ang standard minimum health protocols na nakatalaga na sa bansa.
Dagdag nito, pag-iwas sa higit na gastusin ang iniiwasan kung bakit mayroong karampatang penalty o bayad sa mga mahuhuli ng pulisiya na lalabag sa naturang ordinansa.
Ito ay matapos niyang sabihin na nauunawaan naman aniya ang hinaing ng mga kababayan sa lalawigan sa inihaing kaukulang penalty na sa first offense ay P1,000; P2,500 naman sa second offense at; P5,000 sa third offense.
Binigyang linaw nito na nakapaloob sa nabanggit na ordinansa na kasama ng face mask ay kailangan na ring magsuot ng face shield ang mga sumasakay sa pampublikong sasakyan, mga driver; gayundin ang paggamit nito sa loob ng private at government offices; at maging sa commercial establishments na siyang nagbibigay serbisyo sa publiko.
Hiling naman nito ang kooperasyon ng mamamayan lalo aniya at walang kasiguraduhan kung hanggang kailan ang itatagal ng pandemyang nararanasan ng lahat.