Bumalik at tumaas muli ang volume ng basura dito sa lungsod ng Dagupan mula noong maisailalim sa Modified General Community Quarantine o MGCQ.

Nabatid mula kay Waste Management Division o WMD Head Bernard Cabison, ramdam ang malaking pinagkaiba ng mga nakokolektang basura sa ngayon kumpara noong ECQ period.

Noon, ang normal na nakokolekta nila sa loob ng isang araw ay pumapalo sa 22 tons at pagpasok ng ECQ, ito’y bahagyang nangalahati.

--Ads--

Nang mapasailalim na ang lungsod ng Dagupan sa MGCQ, nag back to normal ang volume ng basura na nakokolekta.

Dahil dito, muli nanamang ibinalik ang polisiyang No Segregation, No Collection maging ang pagbabawal sa pag biyahe ng truck ng basura kapag ito’y walang net.

Bagamat nanumbalik muli ang nabanggit na polisiya, hindi pa rin maabot ang 100% na compliance ng mga residente dahil nariyan pa rin aniya ang mga pasaway na indibidwal.

Base sa kanilang tantsa, naglalaro pa lamang sa 60-70% ang segregation compliance ng taombayan.

Ang bawat basura na nakokolekta ay pansamantala munang dinadala sa Residual Containment Area o RCA at giit ni Cabison, napansin nila ang magandang epekto ng mga basura kapag ito’y naihiwalay sa nabubulok at di nabubulok.

Isa sa positibong bunga nito ay nawala ang madaming langaw.

Paalala naman nito sa publiko na ugaliing tumalima sa mga alituntuning may kinalaman sa pagpapanatili at kaayusan ng siyudad upang hindi na maidagdag pa sa krisis na siyang kinakaharap ngayon ng ating lugar.