DAGUPAN, CITY— Patuloy pa rin ang isinasagawang kilos protesta ng mga mamamayan sa Madrid, Spain.
Ito ay kaugnay sa pagbabalik ng mga lockdown sa ilang mga probinsya doon dahil sa muling paglala ng kaso ng COVID-19 sa naturang bansa.
Ayon kay Bombo International Correspondent Eva Tinaza, OFW mula sa nasabing bansa, inilahad niya na marami sa mga residente sa kanilang lugar ang hindi sang-ayon sa pagsasailalim muli sa Espanya sa mahigpit na pagpapatupad ng quarantine protocols.
Aniya, pahirapan muli ang paglabas ng mga tao roon lalo na ang mga katulad niyang mga Pinoy dahil na rin sa pagsaagawa ng mga inspection at ng mga umiiral na health protocols.
Kailangan din umano ng authorization pass kapag lalabas ng kanilang bahay dahil ibinalik muli ng kanilang gobyerno ang strict stay at home policy nito.
Saad pa ni Tinaza, nilimitahan na lamang ang pag-ooperate ng mga bars at restaurants ng hanggang 10 ng gabi lalo na sa mga lugar na nakasailalim sa lockdown.
Dagdag pa niya, na ang mga lalabag sa naturang polisiya ay pagmumultahin ng 600 euro.
Sa ngayon, nasa 693,556 na ang confirmed cases, kung saan humigit kumulang 11,000 ang mga naidagdag na bagong kaso sa loob lamang ng isang araw at 31,034 naman ang namatay sa naturang sakit sa nabanggit na bansa.