Umaabot na sa 129 na katao ang nahuli ng Dagupan City Police Station dahil walang suot na facemask mula August 27 hanggang September 15, 2020.
Ayon kay PLt. Col. Luis Ventura Jr., ang hepe ng PNP Dagupan, ang mga nahuling violators ay pinatawan ng kaukulang multa.
Para sa unang offense, pinagmumulta sila ng P1,000 at sila ay kailangang dumalo sa isang seminar tungkol sa Covid-19 prevention measures o kaya’y sasailalim sa 16 na oras na community service.
Sa kanilang pangalawa at pangatlong offense naman, papatawan sila ng P2,000 at P3,000, ayon sa pagkakasunod, at sasailalim silang muli sa isang seminar.
Para naman sa mga menor de edad na nahuli, ang kanilang mga magulang o guardian naman ang pinagmulta.
Ang mga multa at parusang ito ay laman ng ordinansa na ipinasa ng Sangguniang Panlungsod noong Hulyo 28, 2020.
Ang pagsusuot ng face mask at face shield ang isa sa mga preventive measures upang hindi mahawa sa sakit ng COVID-19, lalo na sa mga pampublikong lugar.
Patuloy namang ipinapaalala ni Mayor Brian Lim na bukod sa tamang pagsusuot ng face mask ay ang paghuhugas ng kamay at pagpapanatili ng social distancing para pangalagaan ang sarili.




