DAGUPAN, CITY— Naglabas na ng warrant of arrest at karampatang pabuya ang San Carlos PNP laban sa mga suspek sa nangyaring ambush ni dating gobernador at congressman ng Pangasinan na si Amado T. Espino Jr.
Ito ay sa bisa na rin ng masusi nilang imbestigasyong hinggil sa naturang krimen.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Franklin Ortiz, OIC ng naturang himpilam, aniya maituturing umanong magandang development ang kaso ni Espino kung saan may nakapagsampa na sila ng kasong Murder, Frustrated Murder, at Attempted Murder sa mga indibidwal na sangkot sa nabanggit na pananambang.
Pinangalanan na rin ni Ortiz ang mga suspek na sila Armando Mangrobang Frias Jr., Benjie Resultan Latonio, Albert Palisoc, na pawang may pabuyang P200,000 at si alyas “Sell” naman na may karampatang pabuya na P100,000.
Kung matatandaan, isang taon na mula nang pinaulanan ng bala ang convoy ni Espino sa lungsod ng San Carlos kung saan sugatan ang dating gobernador habang patay ang isa niyang bodyguard at sugatan ang apat na iba pa.