Magkakaroon ng isang malaking pagkilos mamayang ala 9 ng umaga ang ibat bang LGBT organization, women organization at ibat ibang sectoral organization sa harap ng Commission on Human Rights sa Quezon city upang kondinahin ang pagbibigay ng absolute pardon ni Pangulong Rodrigo Duterte kay US Marine Col. Joseph Scott Pemberton, ang amerikanong convicted sa pagpatay sa Filipino transgender na si Jennifer Laude noong 2014 at nahatulan ng korte sa Olongapo City ng 6-10 taong pagkakakulong.
Ayon kay Jhay de Jesus, presidente ng grupong True Colors Coalition sa panayam ng Bombo Radyo, kinondina nila ang naging hakbang ng pangulo at ito aniya ay pagbawi sa naging tagumpay ng pamilya Laude, LGBTQ at sambayanang Pilipino na masakdal ang may salang Kano.
Itinuturing ng grupo na isang uri ng pagtataksil sa mamamayan, sa soberenya, interes at kagalingan ng maraming Pilipino at dapat singilin dito si pangulong Duterte.
Giit niya na hindi kinilala ni Pemberton ang kremin o ginagawang pagkakasala dahil nilagay siya sa pasilidad na hindi nakikita at malamang na naging marangya ang pamumuhay habang nakakulong.
Dagdag pa niya na patunay lang na walang naidudulot na mabuti ang presensya ng US milirary forces sa bansa.
Sa isang pag aaral umano ng ilang eksperto , saan man na may US military forces ay napag alaman na tumataas ang karahasan o prostitusyon.