DAGUPAN, CITY— Mariing kinukundena ng Bayan Muna Pangasinan ang paggawad ng absolute pardon ng Pangulong Rodrigo Duterte kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton kaugnay ng pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eco Dangla, tagapagsalita ng Bayan Muna Pangasinan, ipinapakita lamang umano ng Pangulo na pumapanig ito sa interes ng nangyari sa hindi pantay na kasunduan ng bansang Amerika at Pilipinas sa Visiting Force Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
Aniya, masiyadong mabilis ang naging desisyon ng Pangulo dahil matatandaan na noong nakaraang linggo lamang nagsimulang pagdebatehan ang pagbibigay ng release order at pag file ng motion for reconsideration.
Ang hakbang din aniya na ito ay hindi naman ginagawa para sa mga ordinaryong mga Filipino na nahaharap sa mga kaso at ngangailangan ng agarang remedyo.