Kasalukuyang iniimbestigahan ng contact tracing team ang posibleng pinanggalingan ng impeksyon ng apat na miyembro mula sa isang mag-anak na nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod ng San Carlos.
Base sa impormasyon mula sa City Information Office (CIO) ng lungsod, lumabas ang resulta ng RT-PCR test ng siyam na katao kahapon, kung saan apat sa mga ito ang nagpositibo.
Isang 22-anyos na babae ang ika-18 COVID patient na nakaramdam ng sintomas gaya ng lagnat subalit nasa magandang kalagayan na; isang 20-anyos na babae ang ika-19 na COVID victim na asymptomatic; ang ika-20 kaso naman ng siyudad ay walong taong gulang na babae at wala din nararamdamang sintomas habang ang ika-21 kaso ay isang 45-anyos na babae, kapwa nakatira sa barangay Quezon Boulevard at walang mga travel history sa labas ng probinsiya.
Nauna rito, nagkaroon ng report noong nakaraang linggo na may isang indibidwal, si COVID patient No. 18, na nakararanas ng sintomas ng lagnat sa nasambit na barangay.
Dahil dito, nagsagawa ng inisyal na imbestigasyon ang City Health Office (CHO) at tinignan ang kalagayan ng nasabing indibidwal.
Agaran namang inimplementa ang mandatory Home Quarantine sa pamilya ng nasabing indibidwal at ang kanyang mga kaanak na umabot sa siyam na katao.
Patuloy ang isinasagawang contact tracing sa lahat ng mga nakasalamuha ng mag-anak.
Kasalukuyang binabantayan at naglalaan ng oras at tao ang mga kawani ng Barangay at Pamahalaang Panglungsod sa compound na kanilang tinitirahan habang tinututukan din ang kanilang mga pangangailangang pangpisikal at pangkalusugan. //Bombo Everly Rico