DAGUPAN, CITY— Nangangamba ang legal counsel ng pamilya ni Jennifer Laude sa posibildad na mapalaya kaagad o itakas si US Marine na si Joseph Scott Pemberton dahil sa pagkakagawad sa kanya ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ayon kay Atty. Virginia Lacsa-Suarez, kung hindi umano maayos ang foreign policy ng bansa ukol sa mga sundalong nagsasanay sa bansa sa pamamagitan ng Visiting Forces agreement ay possibleng maulit ang insidenteng naitakas ng dis oras ng gabi si US Marine Lance Corporal Daniel Smith na nasangkot naman sa kasong panggagahasa sa pinay na si alyas Nicole noong 2005.
Ayon kay Suarez, dahil nagawa na umano nilang malabag ang ating sariling batas ay natatakot umano siya na maaring mangyari na mapalaya o maitakas si Pemberton.
Dagdag pa niya, na dapat magsilbi na umanong aral ang mga pagkukulang ng gobyerno sa mga kasunduan nito sa ibang bansa upang hindi na humantong sa mga ganitong sitwasyon ang ilang mga mamamayan sa kamay ng mga dayuhan.