Hirap sa buhay ang nakikitang dahilan ng pagpapakamatay ng isang lalaki sa bayan ng Manaoag, Pangasinan.
Kinilala ang biktima na si Angelito Biyernes, 39 anyos, magsasaka at residente sa barangay Lomboy sa lungsod ng Dagupan at nakikitira sa zone 3 ng brgy. Lilimaan sa nasabing bayan.
Ayon kay police major Reinwick Alamay, chief of police sa bayan ng Manaoag, base sa kuwento ng kanyang live in partner na si Charlyn Lopez, palagi na raw nagrereklamo ang biktima sa situwasyon ng kanilang pamumuhay ngayong panahon ng pandemya.
Nabatid na walang permanenteng trabaho ang biktima.
Ilang beses na rin daw itong nagtangkang magpakamatay pero hindi natutuloy.
Nadeskubre ng kanilang kapitbahay na si Cristina Domingo na nakahiga na wala ng malay ang biktima at nasa tabi ang bote ng ininom niyang lason. Bago ang kanyang pag-inom ng pesticide ay uminom pa raw ito ng alak.
Noong nakaraang linggo ay may naitala rin na kasong pagpapatiwakal sa kanilang bayan.
Ayon naman kay Alamay, isolated incident lang ang nasabing pangyayari.
Nanawagan naman ito sa publiko na huwag dibdibin asng mga dumarating na problema dahil pagsubok lamang ito at lilipas din. Idulog aniya ang mga problema sa May Kapal.




