DAGUPAN, CITY— Nais ng mga nagpoprotesta sa bansang Amerika na matigil na ang magkasunod na serye ng pagpatay sa mga Black American dahil sa injustice na dulot ng police brutality.
Ito ay dahil na rin sa magkakasunod na ulat ng pamamamaslang sa dalawang mga African American na sina Geoge Floyd at Jacob Blake.
Ayon kay Professor Gabriel Ortigoza ng University of California Davis sa bansang Amerika, patuloy pa rin ang panawagan ng mga mamamayan doon ng hustisya lalo na’t kamakailan lamang ay may isang panibagong African American ang nasa kritikal ang kalagayan matapos barilin ng kapulisan sa Wisconsin.
Aniya kaya rin may campaign ang mga mamamayan doon na “Black Lives Matter” ay upang mapayapa sanang maisagawa ang kanilang protesta hinggil sa naturang kaganapan. Ngunit nagiging magulo lamang ito dahil sa panghihimasok umano ng mga sumasalungat sa kanilang apela.
Dagdag pa ni Ortigoza na sa ngayon ay patuloy ang kaguluhan dahil sa pamamato ng mga protesters sa mga gusali at ilang pagsusunog din sa ilang gusali gaya na lamang umano ng mga federal buildings sa naturang bansa.