DAGUPAN, CITY— Natukoy na ng kapulisan ang bangkay na nadiskubre sa loob ng isang sasakyan sa barangay Dupac Asingan, Pangasinan.

Ayon kay Pmaj. Leonard Zacarias ang hepe ng Asingan PNP kinilala at nakuha na ng mga kamag-anak nito ang biktima na nakilalang Jake Madanay alyas “Anag”, 20-anyos at residente ng bayan ng Tayug.
Sa pakikipagkoordina nila sa Tayug police station ay napag-alaman na ang biktima ay may kinalaman sa pagpatay sa isang guro sa bayan ng Sta. Maria na ninakawan at napatay sa Tayug.

Dagdag pa dito ay natuklasan ding nadawit na rin ito sa mga kasong robbery at ilegal drugs.

--Ads--

Aniya, nalaman ng mga kaanak ng biktima ang patungkol sa biktima sa pamamagitan ng post sa social media kung saan nakita nila ang paglalarawan sa biktima.

Nabatid din ni Zacarias, na sa pagpunta naman ng mga ito sa kanilang himpilan ay positibong nakumpirma nila na bangkay nga ito ng kanilang nawawalang kaanak dahil sa mga tattoo nito.

Ayon din sa opisyal na base sa records ng biktima ay maaaring may kinalaman sa mga kinasangkutang kaso ang motibo sa pagpatay sa biktima

Patuloy naman ang imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang mga nasa likod ng karumaldumal na krimen.

Kaya naman, nanawagan ang naturang hepe na kung sakaling may nakasaksi sa insidenteng ito ay agad na ipagbigay alam sa nabanggit na himpilan.

Matatandaang nadiskubre ang bangkay ng biktima sa loob ng isang sasakyan na nagtamo ng apat na tama ng bala sa ulo at isang bala sa tiyan at nakabalot pa ng masking tape ang ulo at itinali pa ang paa nito.