Problema sa pamilya ang nakikitang dahilan ng mga otoridad sa pagbibigti ng isang 22 anyos na lalaki sa bayan ng Calasiao, Pangasinan.

Ayon kay Police Lt/Col. Ferdinand De Asis, OIC ng Calasiao PNP, nadiskubre na lamang ng kaniyang babaeng kapatid ang nakabigti ng katawan ng biktima na kinilalang si John Mark Corpus, isang job order employee ng LGU Calasiao at residente ng Brgy. Poblacion West kayat agad nila itong ipinagbigay alam sa mga otoridad.

Nabatid na isang araw bago magbigti ang biktima nakita pa itong mag-isang umiinom ng alak at kinaumagahan ay nakita itong nakabigti na sa kanilang tahanan.

--Ads--

Napag-alaman na noong taong 2018 ay nagtangka naring magpakamatay ang biktima subalit naputol ang taling ginamit nito.

Ayon pa sa nakuhang impormasyon ng mga otoridad, sinasaktan at inaabuso ang biktima kapag lasing ang ama nito.

Dahil sa insidente, muling pinayuhan ni De Asis ang mga barangay officials na paigtingin ang pakikipag-ugnayan sa kanilang mga kabarangay lalo na sa mga kabataan dahil mataas ang posibilidad ng pag-atake ng depresyon ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.