DAGUPAN, CITY—- Sinisiguro ng tanggapan ng PhilHealth Regional Office I na ligtas ang mga importanteng papeles at impormasyon na maaring gamiting ebidensya sa patuloy na imbestigasyon ng senado sa alegasyon ng korapsyon sa matataas na opisyal ng Philhealth.
Ito ay kasunod sa ulat na bahagi umano sa pananabotahe sa isinasagawang imbestigasyon ang pagkakaroon ng “water leak” sa kanilang gusali na sinasabing ginawang motibo para pagtakpan ang ilang isyu na kinasasangkutang ng kanilang ahensiya.
Ayon kay Alberto C. Manduriao, Regional Vice President ng nabanggit na tanggapan, tiwala ito na ligtas at hindi maapektuhan ang data kahit mabasa ang kanilang data server sapagkat nasa head office ng kanilang ahensiya ang data base o mga impormasyon sa lahat ng mga benepisyaryong nag-avail ng benepisyo mula sa kanilang binabayarang kontribusyon.
Hindi rin umano totoo ang naturang alegasyon dahil sa tumulong tubig sa ground floor ng kanilang opisina dahil malayo umano ito sa server at nakabalot naman umano ito sa sako o plastic kung saan nakarehistro lahat ng impormasyon sa lahat ng kanilang transaksyon.
Giit pa ng naturang opisyal siya mismo ang kakalaban sa sinumang magtatangkang sumira sa anumang dokumento sa kanilang opisina.