DAGUPAN, CITY— Inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod ng Dagupan ang ordinansang isinulong ng mga opisyal sa barangay Bonuan Binloc na nag-oobliga sa mga nagpaparenta ng bahay at mga transients na iparehistro ang mga indibidwal na umuupa at mga bumibisita sa kanilang bahay upang makuhanan ng mahahalagang impormasyon kaugnay sa COVID-19 response.
Nakapaloob sa naturang panuntunan ang pagdedeklara ng mga umuupa at mga bisita ng kanilang kumpletong pangalan, edad, mobile number at kanilang pinanggalingang lugar.
Ayon kay Brgy Bonuan Binloc Punong barangay Joshua Gonzales, pangunahing layunin umano ng naturang ordinansa na maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa pamamagitan nito ay mas mapapadali umano ang pagsasagawa ng contact tracing kung sakaling may mga umuupa o bisita sa kanilang barangay ang magpositibo roon at upang maiwasan na rin ang kriminalidad sa kanilang barangay.
Aniya, alinsunod sa naaprubahang barangay ordinance, ang nagpaparenta mismo ang obligadong magreport sa barangay.
May kaakibat na penalty kapag mayroong hindi naireport kung saan magmumulta ng P300 para sa first offense , P500 second offense at P1,000 sa third offense.
Matatandaang binalangkas at pinag-aralan ng Sangguniang Panglungsod ang naturang ordinansa noong noong Abril at naaprubahan noong nakaraang buwan sa pamamagitan ng public hearing.