DAGUPAN, CITY— Sinimulan na ng pamahalaang panlungsod ng Dagupan ang pagsasagawa ng Complete Food for Work program para sa iba’t ibang barangay para sa mabilis na paglilinis ng mga drainage system sa siyudad.

Nakapaloob sa naturang programa ang paglilinis sa mga drainage ng ilang mga residente sa bawat mga barangay kapalit ng cash incentives para sa mga ito.

Nabatid kay Dagupan City Mayor Marc Brian Lim, na noon pang Sabado ay manu-manong nilinisan ng mga residente sa iba’t ibang barangay sa siyudad ang mga gutter, canal at drainage sa kanilang mga nasasakupan.

--Ads--

Aniya, sa pamamagitan ng naturang hakbang ay maiiwasan ang pagbabara ng mga basura roon na isa sa mga nagiging sanhi ng pagtaas ng tubig tuwing high tide o kapag bumuhos ang malakas na ulan.

Dagdag pa ni Lim, sa pamamagitan ng naturang hakbang ay mas mapapabilis pa ang paglilinis sa mga drainage system sa mga barangay sa nasabing siyudad dahil sa dami ng mga taong maglilinis roon.